Source: https://newsprod.abs-cbnnews.com
MAYNILA -- Dalawang gawang-Pinoy na app ang sasabak sa pandaigdigang kompetisyon ng NASA, ang primerong space agency ng Estados Unidos.
Kabilang dito ang ISDApp na gawa ng ilang Filipino IT professionals kabilang na sina Revbrain Martin at Jeddah Legaspi na empleyado ng ABS-CBN Creative Communications Management.
Ginawa ang ISDApp para mabigyan ng mga lokal na pamahalaan ng text alert ang mga mangingisda ukol sa sitwasyon ng panahon at ng karagatan.
Isa pang sasabak sa patimpalak ng NASA ang Vita app, isang disaster-preparedness app na gumagawa ng paraan para magkaroon ng komunikasyon sa cellphone kahit walang signal.
Ang app na ito, na merong ding mga mapa at checklist, ay gawa ng magkakaibigang estudyante na kumukuha ng mga kursong computer science, IT, at engineering.
Ang dalawang app na nabanggit ay nagwagi sa isang hackathon na isinagawa ng US Embassy at De La Salle University sa Maynila nitong weekend. Binigyan ng tig-P5,000 ang mga nanalong grupo.
Pipili lamang ang NASA ng anim na pinakamahusay na konsepto mula sa mga nanalo sa hackathon sa 200 pang ibang lugar sa daigdig.
Ikatlong taon na ito ng kompetisyon ng NASA Space Apps sa Pilipinas. Isinagawa ngayong taon sa tulong ng US Embassy, De La Salle University, PLDT, at Idea Space Foundation.
**************************************************************************************************************